Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

2nd roll na ni Zorki

Napa-develop ko rin ang pangalawang rolyo ng film gamit ang aking Zorki4 na kamera. Masaya naman ako sa naging resulta nagagamay ko na ang paggamit nito iyon lang nga ay may mga pag-adjust pa na dapat gawin. Tulad na lang nang pagbibigay ng allowance sa pagkakahon o pag-compose ng isang eksena, kailangan kasi magbigay ng adjustment para maitama ang parallax error ng aking rangefinder.

Ano ba itong parallax error sa paglilitrato? Ayon sa aking kaibigan na si wiki ito daw ay ang madalas na pagkakamali ng tingin sa mga kamerang tulad ng TLR o twin lens reflex at Rangefinder (tulad ng aking Zorki4) dahil magkaiba ang posisyon ng tinginan para sa pag-compose at para sa posisyon ng lente. Ang VF o viewfinder ng aking kamera ay nasa kaliwang bahagi sa may bandang itaas ng kamera at ang lente naman ay nasa may bandang gitna, dahil sa pagkakaroon ng distansya ng dalawa ay nagkakaroon ng pagkakamali sa komposisyon. Ang madalas na nagiging resulta ng pagkakamali na ito ay pagkaputol ng ulo ng isang subject, o hindi pagkakalagay sa gitna nito na talaga namang nakakapanghina ng kalooban kung ikaw ay nag-aaral palamang maglitrato.

Ang naisip kong solusyon dito ay isaalang-alang lagi ang pagkakalayo ng VF at ng lente at maglagay ng karampatang espasyo sa paligid ng kukuhanang bagay. Sa ngayon ay magsasanay muna ako sa pagkuha ng mga larawang ‘di gumagalaw o still life para magamay ko ang pagtingin sa VF, hirap talaga ako sa pag-compose lalo na kapag nasa patayo o portrait orientation.

Pero kahit na nagkaroon ako ng mga ganitong suliranin sa paggamit kay Zorki ay nabigyan niya pa rin ako ng magandang bilang ng katanggap-tanggap na litrato. Narito ang iilan sa mga ito.

Ang paborito ko sa set, dahil sa pagkaka-compose ko sa eksena

Ang paborito ko sa set, dahil sa pagkaka-compose ko sa eksena

Naka 3 subok ako na iba-ibang exposure settings ang aking ginamit para makuha ko ang tamang timpla para sa isang sunset shot

Ikalawang paborito, gusto ko ang aktwal na pagkakahon ko sa pagpasok ng tao sa turnstile at sa mga geometrical elements

Ang perlas at ang ibon

Ang kawalan at ang langit

Tangke ng tubig

Lalagyan ng ID ng mga bisita sa kampo. Itong larawan na ito ay crop na dahil sablay ako sa komposisyon gayun pa man nagandahan ako sa mga geometrical elements na nakuha

Mga damong tinabas para gumanda ang itsura.

Parkehan ng sasakyan, nagandahan ako sa pagkakahanay ng mga poste at ng aircon

Mga dabarkads

Ito ay isang halimbawa ng parallax error naputol ang dulo ng gitara at hindi nakagitna ang aking subject

Bulaklak uy!

Magandang umaga.
Dahil Huwebes ngayon, wala lang Huwebes lang at gusto ko lang sabihin na Huwebes.

Ang aking susunod na ibabahagi ay isang kabadingan, paghanga sa makukulay at maseselang bulaklak sa paligid nang aking bahay-kubo. Opo hindi lamang mga baging at damong ligaw ang nanduon may ligaw na bulaklak din na nagbibigay ng kulay sa luntiang paligid. Pero ang aking pagpresenata sa inyo ng aking obra na pinaghirapan din ay sa itim at puti na tema, kung bakit ito ang aking napagdesisyunan ay gustong kong mabigyan nang halaga ang porma, pagkakakahon ko sa kanila at gusto ko ring maramdaman ang tekstura ng mga bulaklak na higit na lumulutang sa temang itim at puti.
Sana kayo ay aking maaliw sa aking kabadingan na ito dahil ang hirap magbike sa paanan ng bundok para lamang maidokumento ang mga ibang bulaklak na ligaw na sa kasukalan lang ng daan makikita.

Ako po ay si Ramona Batongbakal na nakatira sa Barrio Tambo, bundok ng Malasimbo.
Naniniwala po ako sa kasabihan na “ANG TAONG WALANG MAKAIN AY HINDI NAGSAING.” I thank you.

Sa pagwawakas ay gusto kong ibahagi ang awitin na gawa ng bandang pamburangmgaulo sa wikang ingles na pinamagatang “Umiling ako”.

I grew up, in a town
Where everybody tried to push
me around
The girls were alright, but
the guys were tough
They’re always buggin’ me with
macho stuff
Well, i ain’t no stupid
fighter, i go for flower
power
I’ve been running every race
just to save my face, yeh

I saw it comin’ around
I saw it comin’ around, yeah
I saw it comin’ around
So i just, yeah
Shook my head and walked
away.

Ang iba pang mga larawan.

Buhay Palengke

Magandang araw.

Maraming ring mga ala-ala ang aking pinahahlagahan sa aming Palengke, may nakakatawa at may nakakahiya naman. Sa aming munting bayan ay isang malaking bagay na ang makapunta sa palengke lalo na kung ang bahay ninyo ay nasa baryo at wala sa poblacion. Naalala ko pa kapag inuutusan ako ng aking Nanay para umutang ng baboy sa kasama niya sa simbahan na sadyang kinayayamot ko dahil nakakahiya talaga at sa tuwing haharap ako sa kasama ng Nanay ay nakayuko ako at halatang nahihiya. Kasabay din ng pag-utang ng baboy ay ang pamimili ng mga sangkap sa lulutuing ulam ng nanay. Parang isang malaking mall ang Palengke sa akin at isang adbentyur, ito lang ang kinawiwilihan ko sa pagpunta rito maraming makikita, maingay at ang lahat talaga ay abala. Kahit na magkaputik-putik ang aking paa sa isdaan ay ayos lang, noong nagpunta nga ako nitong huling bakasyon ay parang gusto kong huminto lang sa gitna ng bentahan ng isada at baboy at langhapin ang lansa ng isada at amoy ng kinatay na karne ng baboy, baka at manok nang sa gayon ay mabalikan ko ang aking kabataan, ang aking kainosentehan.

Kapag wala akong pera at wala rin maibigay sa akin ang Nanay ay ang ginagawa ko ay hindi ako sumsakay ng traysikel papuntang palengke akin lamang nilalakad ito, hindi naman kasi kalayuan ang aming baryo sa bayan, mga 2 kilometro lang siguro mga 10 hanggang 15 minutong lakaran kapag sinuwerte pa at nakita ka ng kakilala o kapitbahay na traysikel drayber ay hihikayatin pa akong isakay. Malayo pa man sa pinakapasukan ng palengke ay makiktia na agad na buhay-na-buhay ang komersiyo dito, tulad na lang ng mga elf na trak na patuloy na nilalagyan ng supot ng semento, bakal at mga hollowblocks na idedeliber sa mga nagpapagawa ng bahay na kadalasan ay galing ng Saudi.

Pagpasok sa palengke ay mapapansin din ang pulu-pulutong na traysikel na may iba’t ibang kulay para sa bawat asosasyon, naroon din ang lokal na Jeepney na ang byahe ay sa bayan lamang nang Dinalupihan. Ang mga pampublikong sasakyan na bumibyahe para sa ibang bayan at probinsya ay sa labas na ng palengke inilagaka ang terminal para na rin sa ikaluluwang ng trapik sa paligid ng pamilihang bayan. Sa bungad palang ay makikita ng mga lokal na magugulay nagtitinda ng kanilang mga ani sa lapag at sa bandang likuran nito ay may nagluluto ng Bananacue at kamotecue na sinamahan ng malamig na sago. Noon ang kasunod ng maliit na tindahan ng meryendahan na ito ay mga tindahan ng nail cutter, tsani, pang-ipit sa buhok, suklay, suyod ngayon ay napalitan na nang mga  stall ng cellphone. Sa banda rin na ito ako bumibili ng growing mass, feeds para sa alaga naming baboy at manok na panabong ng tatay.

Sa kabilang banda naman ay mga gulay at prutas ang itinitinda at pagpasok mo sa looban ay sadyang kapansin-pansin ang pagdilim ng lugar, matapos mag-adjust ng iyong mga mata ay makikita ang panibagong buhay dito. Ang mga nagbebenta ng tinapa, itlog at bagoong alamang sa tabi, ang pagbabalot ng mga hiniwang iaba’t ibat gulay na pangsahog sa pinakbet at pansit at ang tindahan ng mga tsitsirya na paninda sa sari-sari store sa baryo at sa bandang dulo ay ang mga nagtitinda ng barbecue stick, uling at kudkuran ng niyog.

Makikita mo na ang Meat, Poultry at fish section ng palengke kapag pumasok ka pa sa looban, ito na ang pinakapaborito kong parte sa palengke parang kasing orkestra ang pag-aalok ng mga tindera sa mga mamimili ng “Oy suki, bili na murang-mura, sariwa pa.” Kapag kasama ako ng aking nanay sa pamamalengke ay pinagmamasdan ko lamang ang kanyang mga ginagawa mula sa pagpisil ng gulay at prutas, pagpisil sa karne at pagpili sa walang gaanong taba na kasama nito at sa pagtingin sa hasang ng isdang binibili namin. Nagbago na rin ang gma gamit na panimbang ng mga tindero at tindera, dati rati kasi ay mechanical alng ang mga ito ngayon ay digital na at may karampatang presyo pa kapag lagay sa timbangan ng pinamiling karne. Kasama rin sa bentahan ng karne ang mga homemade na longganisa na aking paborito dahil sa tamis ng timpla nito ay sarap na sarap ako.

Sa tindahan naman ng mga isda ko nakiktia ang iba’t ibang uri ng mga lamang dagat, hindi ko na kailangan pang pumunta sa isang mamahaling aquarium para makilala ang mga ito sa palengke lang ay parang nag-tour na ako sa underwater aquarium. Natatandaan ko pa noong bata ako na bumili ang aking lola ng Alupihang dagat na talaga naman naging paborito ko at hinahanap-hanap pagkatapos ko itong matikman, hindi ko alam ang dahilan kung bakit madalang ko nalang makita ito ngayon sa palengke namin. Sa mga tindang tahong, suso na iba’t ibang klase, at talaba ang bentahan naman ay lata-lata at hindi kilo.

Sa paligid ng wet section ng palengke ay mga meryendahan naman, isa rin ito sa hindi ko makakalimutan dahil madalas akong yayain nang lola ko dito para magmeryenda, dito ko na yata natikman ang isa sa pinakamasarap na palabok at halo-halo pati ang iba’t ibang kalamay  at kakanin, kaya naman lagi ko hinihiling na manalo sa kwaho o mahjong ang lola para makakain ulit kami dito.

Sa paglabas mo ng wet section ay madadaanan naman ang bentahan ng bigas, mga maliliit na grocery na tutumbok naman sa tindahan ni Mang Badong na school supplies. Papunta na sa dry section naman ng palengke ang kabilang parte na ito, dito na makikita ang mga tela, sastre, tsinelas, mga damit na mukhang galing nang Divisoria at Baclaran, may mga gawaan din ng mga sapataos at sandalyas, bilihan ng tabo at mga balde, kaserola at kawali. Dito rin makikita ang pharmacy na binibilhan ko ng gel sa buhok, sanglaan at mga parlor na karaniwang tambayan ng mga lalaking may pusong babae.

At sa paligid-ligid ng palengke ay mga fastfood, barberya, tindahan ng bisikleta, tindahan ng softdrinks, pintura at rentahan ng bala ng DVD, CD o VHS na isa rin sa paborito kong puntahan naman na kasama ang aking Tatay. Makikita rin ang bentahan ng mga itak, lagare, martilyo at kung anon pang mga gamit na panlalake dito madalas ay naghihintay kami ng Tatay ko kapag namamlengke ang nanay.

Pagkatapos ko ng kolehiyo ay natapos na rin ang kauna-unahang mall sa aming bayan, ang VM mall na pag-aari ng isang kontraktor at isa rin sa pinakamayaman sa lugar namin, katapat naman ng mall niya ay ang pinakamalaking grocery store sa aming bayan na bilib ako at gusto kong gayahin dahil ako ay nagign sanhi sa kanyang pag-unlad mula sa isang maliit na grocery store ay nakuha niyang palakihin at palawakin ang kanyang grocery, at gumawa ng isang monopoly ng negosyo sa aming lugar.

Ang isa sa mga problemang ikinahaharap ngayon ay ang tamang pagtapon ng basura, walang maayos na pamamaraan ang nabuo ng lokal na gobyerno dahil wala ring pangunguna ng liderato ng national na gobyerno. Napapagtanto ko tuloy kung saan ibinabagsak ang basura sa aming bayan, ito marahil ang isa sa mga susunod kong i-dokumento.

Aba mukhang nai-describe ang buong palengke namin ah, pasensya na napasarap ang kwento ko sarap kasing balikan ang nakaraan.

Narito pa ang ibang mga larawan para mabigyan pa kayo ng karagdagang ideya.

Salamat.

MR. PALENGKE

Matagal ko ng gustong makuhanan ng mga litrato ang isang peryaan at night market sa lugar namin, nitong nakaraang uwi ko ay pinalad ako na magkaroon ng oras para mai-dokumento ang isa sa popular na palipasan ng oras at atraksyon sa aming munting bayan. Walang mall, walang SM, walang mga sikat na carnival tulad ng Enchanted Kingdom, Boom na boom, Star City o Disneyland, masaya na ang mga tao sa pana-panahong pagdating ng mga peryantes sa aming lugar lalo na tuwing Pistang Bayan kapag Hunyo at kapag Panahon ng Pasko na nagisismula naman ng Oktubre at nagtatapos pagtapos ng bagong taon.

Nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga negosyante sa aming lugar na humaba ang oras ng pagbebenta nila dahil sa itinayong Night Market, sari-sari ang mga binebenta mula sa pangunahing pangangailangan tulad ng damit hanggang sa mga burloloy ng mga katawan. Marami ring mga nagbukasang kainan, videoke at mga pagkaing kalye tulad ng mga ihaw-ihaw, popcorn, cotton candy, samalamig at iba pang mga pagkaing pinoy na ordinaryo nang makikita pero parang kakaiba kung medyo nawala ka ng saglit sa Pilipinas.

Kung ako ay isang estranghero at taga-ibang bayan o bansa, saan bang lugar pwede ko makita ang kulay at buhay ng isang kultura kung hindi sa mga ganitong klaseng puntahan. Maituturing ko na parang isang maliit na gubat ang Peryaan at night market sa aming lugar, nagkaroon ng ingay at buhay ang gabi sa isang tahimik at simpleng bayan. Ang dating disyertong daan kapag sumapit na ang takipsilim ay napupuno ng taong naglalakad papunta sa liwanag na para bang mga gamu-gamong na hipnotismo. Walang humpay ang paggawa ng ingay ng tao man o ng makina, sa pagpapaandar ng mga sakyang pambata na umiikot sa siang malaking bilog ay sapat na kawilihan at hilahin ka ng iyong anak para subukin sumakay at kung kaya mo siyang tiisin ay siguradong pag-iyak niya ang mangingibabaw na madidinig.

Unti-unti nang inaabot ng kabihasnan at buhay siyudad ang aming lugar, hanggang kailan kaya magtatagal pa ang ganitong klaseng atraksyon bago dumating ang hindi mapipigilang pag-usad ng pamumuhay. May mga bulong-bulungan na may isang sikat na mall ang balak itayo sa aming lugar, ako ay napamuni sa kung anong epekto ang magiging hatid nito sa amin bayan, magiging saksi kaya ang aking kamera sa mga pagbabago? Sana.

Isang 44 na taong gulang na kamera.  Sa paghahanap ko ng kamera na babagay sa aking estilo ng pagkuha ay napadpad ako sa isang gawa sa Russia na kamera, ang ZORKI. Nagustuhan ko ang kamera na ito dahil sa karagdagang hamon sa pagkuha ng larawan, lahat kasi ay kailangan mo na i-set o alamin ang tamang kumbinasyon ng ng bawat elemento sa pagkuha ng larawan. Walang baterya na kailangan, film lang ang isasalpak at pwede ka nang kumuha ng larawan.

Bakit nga ba gusto kong mag-film, e may digital  kamera na ako? Gusto ko pa kasing palawigin ang kaalaman ko sa paglilitrato at lalong-lalo na ang ugnayan ko sa sining na aking kinahihiligan. Para sa akin kasi mas importante na malaman ng isang photographer ang tunay na kahulugan ng pagkuha ng larawan, ano ba ang ugnayan nito sa kanyang pagkatao at sa mga pananaw niya sa buhay. Hindi man maging sapat na kahanga-hanga para sa madla ang mga imahe na aking nagagawa ay mayroong pagkakunteto naman sa aking saloobin ang aking ginagawa. Sa kabilang banda naman, magkakaroon ako ng magandang pagkakataon upang masaliksik ng maigi kung paaano gumagana ang isang kamera, lalo na ang lumang kamera.

Rangefinder ang tipo ng kamera na ZORKI, ito ay kopya mula sa sikat at pamosong LEICA III na gamit na gamit noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang isa sa pinakasikat na gumamit ng Leica Kamera na ito ay si Henri Cartier Bresson na tinuturing na isa sa mga haligi ng makabagong paglalarawan.

Hindi na nakuhang mai-deliver ang aking ZORKI bago pa ang aking bakasyon nitong nakaraang Disyembre kaya hindi ko ito napag-ensayuhan ngunit matagal bago ito naipadala sa akin, inabot ng 6 na linggo na sadyang kinabahala ko dahil ayon sa aking pinagbilhan sa ebay ay 2-3 linggo lamang ang itatagal ng pagpapadala. Salamat na rin at kahit paano ay dumating pa.

Ibinalita sa akin ng aking mga kasama sa opisina na sa wakas at sa tagal ng paghihintay ng lahat ay nakarating na rin nga si ZORKI. Masayang regalo para sa darating na pasko ika nga ng aking kasama na pinakiusapan na bumili ng kamera.

Pagdating na pagdating ko ay hindi ko na pinalampas ang aming pagtutuos, ilang buwan ring kasing hindi napanatag ang aking kalooban na mapasa-akin ang kamera na ito. Wala akong ano mang karanasan sa paggamit ng de-film na kamera kaya naman para akong timang na nagtatanong sa mga forum ng tamang paggamit nito, medyo may kaselanan rin kasi ang pag-gamit dito, gawa na rin siguro ng edad ng kamera. mabuti na lang maraming magandang puso sa forum na aking sinalihan sa flickr kaya naman kahit paano ay nagamit ko. Unang film na sinalpak ko ay ang Kodak Gold 200, ngunit nagkaroon ng aberya dahil sa sumablay ako sa pagkasa ng film. Nagkaroon ng pagkakapatong-patong ng larawan sa iisang frame na ang dahilan ay ang hindi pagkapit ng maigi ng film sa spool. Pero mayroong din mga kuha na tumama, gayun pa man masaya pa rin ako sa naging resulta ng unang rolyo ng film na ginamit ko dahil napatunayan ko na walang light leak o butas ang kamera na sadyang sakit ng mga luma at walang ring amag ang lente nito na tanda na totoo ang sinasabi ng nagbebenta ng kamera.

Narito ang iilan sa mga larawan na kuha ko. Hindi na ako makapaghintay na maubos ko ang pangalawang rolyo ng film na aking nilagay pagkatapos na makumpirma ang paggana ng maayos ng aking kamera.

Mas Lumang mga Paskil »